Ang pagbobomba.

Ako’y dumating sa ER kaninang umaga

At sa isang sulok may batang kawawa.

Ang kanyang ina ay nangangamba

At unti-unting nawawalan ng pag-asa.

 

“Ate kamusta po kayo?”

“Okay lang.” sagot niya kahit papano.

Pagkatapos ng rounds, “Sir, pa-bag naman.” sabi ng residente,

At ako naman ay wala nang nasabi.

 

Naku patay tayo!

Ang dami namang trabaho ang mababacklog ko.

Sapagkat ang oras ko ay magagamit sa pagbobomba,

At ang procs at monitoring ko ay mapapabayaan nang sobra.

 

Pero noong kinuha ko ang bomba sa kamay ng kanyang ina,

Siya ay tuwang tuwa at siya ay nakapagpahinga.

“Salamat Dok.” ang unang buka ng kanyang bibig

At sa akin siya ay nakatitig.

 

“Walang anuman.” lang ang aking nasabi,

At siya ay umupo sa aking tabi.

Sa aming pag-uusap, aking natuklasan na siya ay single mother.

Dito na ako sobrang na-bother.

 

Hindi niya na daw alam kung ano pa ang gagawin,

At sobrang pagod niya na at hindi pa nakakain.

“Sige kami na muna dito, pahinga kana.”

Pero ayaw niya na ang kanyang anak ay walang kasama.

 

Grabe talaga ang pagmamahal ng ina,

Damang dama ko sa aking nakita.

Dahil dito aking na-alala,

Ang rason kung bakit ako naging doktor sa simula.

 

Andito tayo dahil gusto nating tumulong sa mga may sakit at nangangailangan,

Kahit sa mga maliliit lang na paraan.

Ugaliin sanan nating mahalin ang ating obra

Kahit ito ay ang napakasimpleng pagbobomba.

 

Ang bomba.

Ang bomba.